by Cristina Montes
Malakas at napakalinaw
Na sumipol ang kulyawan
Na tipong nananawagan
Sa pwedeng makaulayaw.
Ako’y nahihikayat
Na subukan syang silipin.
Nakasasaya sa akin
Ang dilaw nyang matingkad

Sa gitna ng aking lumbay,
Pag-iisa, kainipan.
Wala akong matunguhan
At nakakulong sa bahay.
Pinakikinggan ko na lang
Ang madamdamin nyang huni.
Siguro – baka sakali –
Ako ang inaawitan.
Napakagandang tula Ms. Cristina Montes. Salamat sa pag sulat. Sana ay makagawa ka pa ng marami tungkol sa iba’t ibang ibon, na kayamanan ng ating kalikasan